--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang dalawang lalaki sa banggaan ng motorsiklo at isang IPV van sa pambansang lansangan na bahagi ng Barangay Bugallon Proper, Ramon, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Fernando Mallillin, hepe ng Ramon Police Station na ang mga sangkot na sasakyan ay isang Isuzu dmax na minaneho ni Roy Dela Cruz, empliyado ng Iselco 1 at residente ng Bugallon Norte, Ramon, Isabela.

Ang naturang sasakyan ay company car ng Iselco 1.

Habang ang isa pang sangkot na sasakyan ay isang motorsiklo na minaneho ni June Domingo at backrider nito si Darren Cristobal at kapwa residente ng Bugallon Proper, Ramon, Isabela.

--Ads--

Ayon kay PMaj. Mallillin, binabagtas ng IPV van ang daan patungong hilaga habang nasa kabilang linya naman ang motorsiklo.

Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay liliko sana pakaliwa ang IPV van at sakto namang paparating ang motorsiklo na naging dahilan para tumilapon ang mga sakay nito.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan sina Domingo at Cristobal na agad dinala sa ospital ng mga rumespondeng rescuers.

Hindi naman nagtamo ng sugat si Dela Cruz at dinala sa Ramon Police Station.

Paalala ni PMaj. Mallillin sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho at laging isipin na may pamilyang naghihintay sa pag-uwi.

Iwasan ding uminom ng alak para makaiwas sa aksidente.