CAUAYAN CITY – Natanggap na ng dalawang letter sender na kinabibilangan ng isang maybahay at isang anak ang kanilang napanalunan sa ibinahaging inspirational na kuwento ng isang dakilang ama na bahagi ng Father’s Day Celebration sa programang kahapon lamang ni Bombo Edmar Galingana.
Ang mga nanalong letter senders ay sina Ginang Flora Castro ng San Carlos, Benito Soliven at Bb. Ezilyn Aquino, isang anak at mag-aaral na residente ng Yeban Norte, Benito Soliven Isabela ay tumanggap ng tigdadalawang libong piso na halaga ng gift certificate, isang mug at isang cake.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Flora Castro, pitumput limang taong gulang, dating guro at residente ng San Carlos, Benito Soliven, Isabela na sa kanyang sulat sa programang Kahapon Lamang ay ibinahagi niya ang kanyang pasasalamat sa mister na nagsakripisyo upang makatapos siya sa kanyang pag-aaral.
Anya ang sakripisyo at pagsisikap ng kanyang mister kaya naipagpatuloy niya noon ang kanyang pag-aaral at natapos ang kursong edukasyon.
Dahil din sa pagsisikap at dedikasyon ng kanyang mister ay napagtapos na rin nila ang kanilang pitong anak.
Masaya siya dahil sa nagustuhan ng programa ang ipinadala niyang kuwento ng kadakilaan ng kanyang mister na ginawa ang lahat ng sakripisyo at pagtitiis upang siya ay mapag-aral para sa magandang kinabukasan ng kanilang pamilya.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Renato Andres Castro, asawa ni Ginang Flora Castro na noong may asawa na siya ay wala siyang trabaho ngunit pinalad siyang pumasok bilang utility worker sa Isabela State University o ISU.
Dahil sa hirap ng buhay ay may nagmungkahi sa kanya na pag-aralin ang kanyang maybahay na natigil sa pag-aaral at nasa third year college na ng kursong education.
Pinag-aral niya ang kanyang misis hanggang nagtapos at dahil walang bakante ay kinuha munang librarian si Ginang Castro hanggang sa may bakanteng puwesto at nagsimula nang magturo bilang teacher 1.
Sinabi ni Ginoong Castro na nagtrabaho siya bilang utility worker habang pinag-aaral ang kanyang maybahay na bagamat mahirap ay nagtiwala siya sa tulong ng Maykapal.
Hindi rin anya maiiwasan na may mga hindi pagkakaunawaan sa loob ng pamilya at pinagsasabihan lamang niya ang kanyang mga anak.
Bilang isang ama ang pinakamahirap niyang naging hamon sa kanyang buhay ay noong pinag-aaral niya ang kanyang maybahay na sobrang hirap dahil kapos siya sa pera noon.
Dahil sa tulong ng Maykapal ay napagtagumpayan ang laban sa buhay at naging katuwang na niya ang kanyang misis sa pagpapaaral sa kanilang pitong anak.
Masaya siya dahil napag-aral at napagtapos nilang mag-asawa ang kanilang mga anak.
Ang tanging hangad niya sa Father’s Day ay maging masaya ang kanyang buong pamilya.
Samantala, inihayag naman ni Bb. Ezilyn Aquino ng Yeban Norte, Benito Soliven, Isabela na noong ginawa niya ang sulat para sa kahapon lamang ay hindi niya hinangad na manalo kundi nais lamang niyang ibahagi ang kadakilaan ng kanyang ama na si Ginoong Edwin Aquino.
Lahat anya ng pagsasakripisyo sa pamilya ay ginagawa ng kanyang ama mapag-aral lamang silang magkakapatid.
Pinayuhan niya ang mga kapwa kabataan na dapat mahalin at ipagmalaki ang mga magulang.
Inspirasyon niya ang nakikitang pagsasakripisyo ng kanya ama para maging pursigidong makapagtapos ng pag-aaral.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Edwin Aquino na bilang isang amang magsasaka ay nararanasan nilang maghirap dahil parang sugal ang pagsasaka, minsan maganda ang ani kung minsan naman ay lugi.
Bagamat hirap sila sa buhay ay palagi niyang pinagsasabihan ang kanyang tatlong anak na mag-aral at kahit hirap sila sa buhay ay sisikapin niya silang mapagtapos.
Sa ngayon ay malaking hamon sa kanya ang pagpapaaral sa kanyang mga anak.
Bilang ama, ang kanyang hangad ay magandang kalusugan para sa kanyang buong pamilya.
Ang nagpapasaya sa kanya ay makita ang mga anak at nag-aaral nang mabuti.