--Ads--

CAUAYAN CITY – Masuwerteng walang natamaan ang balang tumama sa isang doctor’s room sa Kalinga Provincial Hospital sa Tabuk City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, bago ang pagtama ng bala sa silid ng pagamutan ay may naka-duty na isang pediatrician.

Ipinatawag ang doktor sa Emergency Room at nang bumalik ay dito na niya nakita ang slug ng bala at ang butas sa kisame.

Sa social media post ni Dr. Rey Aranca, Officer in Charge ng Kalinga Provincial Hospital inihayag nito ang kanyang pagkadismaya sa nasa likod ng pagpapaputok ng baril.

--Ads--

Aniya, masuwerte na lamang na walang nasugatan sa pangyayari dahil posible itong magresulta ng pagkasugat o pagkasawi.

Samantala maliban sa ligaw na bala sa pagamutan ay may natagpuan ding ligaw na bala sa isang bahay sa Magsaysay, Tabuk City, Kalinga.

Galing sa pamamasyal ang mga nakatira sa bahay at nang umuwi sila ay nakita na lamang nila ang slug ng bala na pumasok mula sa bintana ng kanilang kusina.