CAUAYAN CITY – Nahuli sa bayan ng Bagabag, Nueva Vizcaya ang dalawang kabataan na nasa likod ng mga nakawan sa Ramon, Isabela matapos na sila ay manloob sa isang bahay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMAJ. OSCAR ABROGENA, hepe ng Bagabag Police Station na ang mga suspek ay kapwa menor de edad at residente ng Ramon, Isabela.
Aniya, nilooban ng mga suspek ang isang bahay sa barangay Tuao South noong gabi ng ikadalawampu’t lima ng Enero at natangay nila ang pera, relo, at cellphone ng may-ari ng bahay.
Sa pagsasagawa ng kapulisan ng hot pursuit operation at sa kuha ng CCTV ay namukhaan ang dalawa pero agad silang nakatakas at nagpalipat-lipat sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.
Napag-alaman ito sa pamamagitan ng tracking device ng cellphone na kanilang ninakaw.
Hindi naman tumigil ang mga pulis sa pagsasagawa ng hot pursuit operation at nang bumalik ang dalawa sa bayan ng Bagabag ay dito na sila hinuli.
Dahil agad nahuli ang mga suspek ay naibalik din sa may-ari ang alahas at pera na ninakaw nila pero may iba silang nanakaw na hindi na naibalik dahil itinapon umano nila ang mga ito.
Ayon kay PMAJ. ABROGENA, sa kanilang pagsisiyasat ay napag-alaman nila na iba’t ibang nakawan na ang kinasangkutan ng dalawa sa Ramon, Isabela at kilala na umano sila doon kaya lumipat sila sa Nueva Vizcaya.
Malakas aniya ang loob ng mga suspek na magnakaw dahil sila ay menor de edad pa lamang at hindi sila makukulong kahit pa mahuli sila.
Naipagbigay alam na rin ito sa magulang ng mga suspek at nagpunta na rin sila sa kanilang himpilan.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng dormitoryo ng Child In-Conflict with the Law sa provincial jail sa Bayombong ang mga suspek.
Pinayuhan naman ni PMAJ. ABROGENA ang mga mamamayan at sa mga may negosyo na isara ng mabuti ang kanilang bahay o establisyemento para hindi manakawan.
Sa mga magulang naman ay bantayan ng mabuti ang kanilang mga anak at tiyaking sila ay nakakauwi.
Gabayan din sila para maiiwas sa mga masasamang gawain.











