
CAUAYAN CITY – Patay ang dalawang menor de edad na magkapatid matapos na malunod sa sapa na nasasakupan ng Cagayan River sa Barangay Fugu, lunsod ng Ilagan.
Ang nasawing magkapatid ay sina Ryan Tagao, limang taong gulang at si Leo Tagao, apat na taong gulang na kapwa residente ng nabanggit na barangay.
sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya lumalabas na dakong alas otso kaninang umaga nang umalis umano ang mga biktima kasama ang isa nilang nakatatandang kapatid na walong taong gulang at isa pang kaibigan para maligo sa creek.
Ayon sa mga otoridad habang naliligo ang dalawang biktima sa sapa ay napunta umano ang mga ito sa malalim na bahagi dahilan upang sila ay malunod.
Tinangka naman umanong sagipin ng dalawa nitong kasamahan ang mga biktima sa pamamagitan ng pag-abot sa isang piraso ng kahoy ngunit bigo ang mga ito kayat agad na humingi ng tulong subalit pagbalik ay natagpuang wala ng buhay ang mga biktima.
Ayon sa pakikipag-ugnayan ng pulisya sa pamilya ng mga biktima, hindi umano alam ng mga ito na nagtungo ang kanilang mga anak sa naturang sapa.
Sa ngayon ay nakaburol na ang magkapatid na biktima sa kanilang bahay sa barangay fugu.
Muling nagpaalala ang mga otoridad sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak lalo na at palagi na ang pag-apaw ng mga ilog dulot ng mga pag-ulan.










