--Ads--

CAUAYAN CITY- Matagumpay na nadakip ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) Isabela ang dalawang most wanted sa lalawigan dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Rey Sales, hepe ng PNP-HPG Isabela, sinabi niyang bunga ito ng pinaigting na warrant-based operation ng Regional Highway Patrol Unit 2 laban sa carnapping.

Ang unang nadakip ay si alyas “Jhondy,” menor de edad, at itinuturing na number 1 most wanted person sa provincial level. Naaresto siya sa Barangay Mabuhay, Angadanan, Isabela, sa bisa ng mandamiento de arresto na inilabas ni Judge Ariel Managueldo Palce ng RTC Branch 40, Cauayan City.

Dahil menor de edad si Jhondy ngunit nakitaan ng discernment, ipinag-utos ng korte na ilagak siya sa Bahay Pag-asa. Samantala, isa pa niyang kasamahan ay nadakip sa PRO-6 kaugnay ng hiwalay na kasong panggagahasa.

--Ads--

Sinusuri na rin ng PNP-Angadanan ang posibleng kaugnayan ni Jhondy sa iba pang kaso ng nakawan sa lugar.

Kinabukasan, nadakip naman sa Barangay Victoria, Alicia, Isabela si alyas “Jojo,” tinaguriang number 2 most wanted person provincial level. Arestado siya sa bisa ng warrant mula kay Judge Mary Jane Socan Soriano ng RTC Branch 19, Cauayan City.

Ayon sa suspek, motor ng kamag-anak ang kanyang tinangay, bunsod ng matagal nang alitan sa pagitan ng kanilang pamilya.

Dinala ang dalawang suspek sa Isabela Provincial Highway Patrol Team (PHPT) Office sa Tagaran, Cauayan City para sa dokumentasyon at tamang disposisyon bago dalhin sa kani-kanilang court of origin.

Sa kabila ng mga insidente ng nakawan ng motorsiklo sa lalawigan, positibo ang HPG-Isabela na hindi ito kagagawan ng isang organized crime group.