--Ads--

Dalawang alpine skiers ang magrerepresenta sa Pilipinas sa 2026 Milano Cortina Winter Olympics sa susunod na buwan.

Si Francis Ceccarelli at Tallulah Proulx ay parehong kwalipikado at lalaban sa giant slalom at slalom events.

Si Ceccarelli, 22, ay nakakuha ng quota spot at magiging ikalimang Olympic alpine skier ng bansa. Samantala, si Proulx, 17, ay nakapasok matapos maabot ang kinakailangang 120 FIS points. Sa huling araw ng kwalipikasyon, nagtala siya ng 119.72 average points mula sa limang takbo, dahilan para makuha ang puwesto.

Ayon kay Philippine Ski and Snowboard Federation (PSSF) president Jim Apelar, si Proulx ang unang Filipina sa regular Winter Games at ang pinakabatang Filipino Winter Olympian sa edad na 17.

--Ads--

Parehong lumahok sina Ceccarelli at Proulx sa Asian Winter Games noong nakaraang taon sa Harbin, China. Doon, nagtapos si Proulx sa ika-14 na puwesto sa Women’s Slalom Run 2, habang nadiskwalipika naman si Ceccarelli sa Men’s Slalom Run 1.

Gaganapin ang 2026 Winter Olympics mula Pebrero 6 hanggang 22 sa Milan at Cortina d’Ampezzo, Italy.