CAUAYAN CITY – Nasunog ang dalawang poste ng kuryente sa Baculod, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Leo Serrano, Area manager ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1, sinabi niya na maaaring may nagtapon ng upos ng sigarilyo sa mismong kinatatayuan ng poste na naging sanhi ng sunog.
Aniya, nagdulot ito ng power interruption sa lugar at sa ilang mga barangay sa Lungsod ng Cauayan.
Sa tindi ng pinsala na iniwan ng sunog sa dalawang poste ng kuryente ay kinailangan nilang magtayo ng panibagong poste upang agad na maibalik ang tustos ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Engr. Serrano, ito na marahil ang pinaka-matinding insidente ng pagkasunog ng poste ng kuryente na naitala sa ISELCO 1.
Nanawagan naman siya sa publiko na iwasan ang magsunog o magtapon ng kahit anong bagay na maaaring maging sanhi ng sunog.
Kung sakali man na may mangyaring kaparehong insidente ay agad na ipag-bigay alam sa kanilang tanggapan upang agad itong maaksyunan.