SA CAUAYAN CITY– Patay ang dalawang lalaking nakasakay sa motosiklo ng makabanggaan ang isang Sports Utility Vehicle sa pambansang lansangan na bahagi ng Brgy. San Manuel, Naguilian, Isabela.
Ang mga namatay ay sina Eduardo Orillo, tatlumpu’t anim na taong gulang ng Gamu, Isabela at Mano Kidlat,dalawampu’t walong taong gulang ng Quezon City habang ang tsuper ng SUV ay si Haris Camposagarso,tatlumpu’t anim na taong gulang at residente ng Barangay San Pedro Laguna.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Naguiilian Police Station, binabagtas ng dalawang sangkot na sasakyan ang pambansang lansangan sa magkasalungat na direksyon, kung saan ang SUV ay patungo sa kanlurang direksyon habang ang motorsiklo naman ay patungong hilagang direksyon.
Bigla umanong umagaw ng linya ang motorsiklo dahilan upang sila ay magbanggaan na nagresulta ng pagkakatilapon ng dalawang sakay ng motorsiklo.
Nagtamo ng malubhang sugat sina Orillo at Kidlat na kaagad nilang ikinamatay.
Kaagad namang sumuko ang tsuper ng sasakayan sa himpilan ng PNP Naguiilian at nahaharap sa kasong double homicide.




