--Ads--

CAUAYAN CITY– Dalawang sundalo patay, isang ang nasugatan habang isa rin ang nakaligtas matapos tambangan ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Gacab, Malibcong, Abra.

Ang apat na sundalo ay galing sa kanilang command post sa Licuan Baay, Abra matapos pabalikin sa kanilang detachment sa Malibcong upang tumulong sa isasagawang disaster response sa mga naapektuhan ng 6.4 magnitude na lindol na tumama sa probinsya ng Abra noong gabi ng Martes nang sila ay tambangan.

Ayon kay Lt Col Ricardo Garcia III, Battalion Commander ng 24th Infantry Battalion napakalulungkot dahil habang abala ang mga sundalo sa pagtulong sa mga residenteng nasalanta ng lindol ay dalawang sundalo ang namatay, isa ang nasugatan.

Una nang naiulat na may isa pang sundalo ang nawawala ngunit nakabalik na sa kanilang kampo .

--Ads--

Idinagdag ni Lt. Col. Garcia na hindi pa nila inilalabas ang pagkakakilanlan ng mga nasawi, nasugatan at nawawala nilang kasamahan.

Binalaan ni BGen Audrey Pasia, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang mga miyembro ng Communist Terrorist Group na hindi titigil ang kanilang tropa hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya nasawing dalawang sundalo.