CAUAYAN CITY – Nasawi ang dalawang market vendor na sakay ng motorsiklo matapos sumalpok sa isang Isuzu MUX sa barangay Nagcuartelan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj Oscar Abrogena, hepe ng Aritao Police Station na ang mga nasawing market vendor ay sina Raquel Urbano, 31 anyos at Jake Bautista, nasa tamang gulang at kapwa residente ng Poblacion, Aritao Nueva Vizcaya.
Sakay din ng motorsiklo si Rosian Allan Bautista, nasa tamang gulang at residente Poblacion, Aritao na nagtamo ng bali sa paa.
Ang SUV ay minaneho ni Eligio Tabbu, 66 anyos, may-asawa at residente ng Pangasinan.
Ayon kay PMaj Abrogena, binabaybay ng SUV ang Maharlika highway sa barangay Nagcuartelan nang biglang sumulpot ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima at umagaw ng linya.
Sinikap ng tsuper ng SUV na iwasan ang motorsiklo ngunit nasalpok pa rin na naging sanhi ng pagtamo ng malalang sugat sa katawan ng mga biktima.
Idineklara ng doktor ng Aritao Municipal Health Office (MHO) na dead on arrival sina Urbano at Jake Bautista habang si Rosian Allan Bautista ay patuloy na ginagamot.
Mahaharap ng kasong reckless imprudence resulting in double homicide and damage to property ang driver ng MUX na nasa kustodiya ng Aritao Police Station.