--Ads--

CAUAYAN CITY – Ginagamot sa Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital sa City of Ilagan ang driver at konduktor Dalin Bus na bumangga sa ilang stalls kaninang alas singko ng umaga sa national highway sa Naguilian Junction sa San Manuel, Naguilian, Isabela. 

Ang mga nasugatan ay ang tsuper ng bus na si Alfredo Ruz, 57 anyos at residente ng Tumauini, Isabela at ang konduktor na si Raul Alcantara, 45 anyos at residente ng Guibang, Gamu, Isabela.

Lumabas sa imbestigasyon ng Naguilian Police Station na pumara ang isang pasahero para bumaba kaya nagpreno ang tsuper ng Dalin Bus na may temporary plate #024402 ngunit nagkaroon ng mechanical failure at nawalan ng kontrol sa manibela.

Napunta ang bus sa kabilang linya ng lane at nabangga ang ilang puwesto sa Junction ng Naguillian.

--Ads--

Nagtamo ng mga sugat sina Ruz na sinasabing naipit sa bus at ang konduktor na si Alcantara na dinala sa ospital para malapatan ng lunas.

Mapalad na walang nasugatan sa mga stalls na nabangga ng bus sa nasabing lugar.