Nananatiling normal ang daloy ng mga pasahero sa Cauayan Airport sa kabila ng papalapit na Semana Santa,
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Gil Abbatuan Pagulayan Jr. ang Hepe ng PNP Aviation Security Group, sinabi niya na walang malaking pagbabago sa influx ng mga pasahero, kapwa sa arrivals at departures, bagama’t may ilang airlines ang pansamantalang magsususpinde ng biyahe sa Biyernes Santo.
Kabilang aniya sa magkakaroon ng kanseladong biyahe ay ang Philippine Airlines, gayundin ang ilang maliliit na airline, na inaasahang magre-resume ng operasyon matapos ang naturang araw.
Sa usapin ng seguridad, sinabi ni Pagulayan na wala namang naitatalang major na insidente sa paliparan, maliban sa ilang isolated cases ng tangkang pagpasok ng mga ipinagbabawal na items tulad ng bala.
Dagdag pa nito, may mga pasahero ring nahaharang dahil sa pagdadala ng matutulis na bagay at malalaking power banks na lampas sa pinapayagang kapasidad sa eroplano.
Tiniyak ng opisyal na patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng Aviation Security Group katuwang ang iba pang ahensya tulad ng EOD-K9, PDEA, LTO, Highway Patrol Group at lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan sa loob at labas ng paliparan.
Samantala, muling pinaalalahanan ng pamunuan ang mga pasahero na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na kagamitan upang hindi maantala ang kanilang biyahe, kasabay ng patuloy na pagpapaigting ng seguridad sa nalalapit na Semana Santa.











