--Ads--

Kasalukuyan nang isinasagawa ang survey at paglalatag ng ruta para sa planong Dalton Pass East Alignment Road Project, isang alternatibong four-lane tunnel road na magdurugtong sa Nueva Vizcaya at Nueva Ecija.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nueva Vizcaya Governor Jose Gambito, ang proyekto ay inaasahang makatutulong nang malaki sa pagpapababa ng travel time ng mga motoristang bumibiyahe papasok at palabas ng Region 2 at Cagayan Valley.

Ipinaliwanag ni Gov. Gambito na ang nasabing proyekto ay idinisenyo bilang alternatibong ruta sa kasalukuyang Dalton Pass highway na madalas isara at itinuturing na disaster-prone lalo na tuwing may landslide at masamang lagay ng panahon.

Ang proyekto ay may kabuuang pondong P67.4 bilyon para sa 23-kilometrong four-lane road at tunnel system, at target na matapos pagsapit ng 2031.

--Ads--

Popondohan ito sa pamamagitan ng loan mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) katuwang ang pondo ng pambansang pamahalaan.

Dagdag pa ng gobernador, inaasahang aabutin ng hanggang dalawang taon ang survey at paglalatag ng ruta ng kalsada.

Binigyang-diin din niya na kinakailangan munang makuha ang pahintulot at pakikilahok ng mga Indigenous Cultural Communities sa bahagi ng Aritao, Santa Fe, at Carranglan, Nueva Ecija na maaapektuhan ng proyekto.

Kapag natapos, inaasahang magbibigay ang proyekto ng malaking tulong sa mas mabilis na pagpasok ng mga suplay, paglabas ng mga produkto, at sa pagpapaunlad ng agrikultura, turismo, at kabuuang ekonomiya ng Rehiyon Dos.