CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang dance instructor sa isinagawang drug buybust operation ng mga pulis sa Rizal, Saguday, Quirino.
Ang suspek ay 35 anyos na music & dance instructor at residente ng Bannawag Sur, Diffun, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. William Agpalza, hepe ng Saguday Police Station, sinabi niya na sa koordinasyon ng kanilang himpilan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 ay isinagawa ang drug buy-bust operation laban sa suspek.
Nakabili ang pulis na nagpanggap na buyer ng 6 sachet ng hinihinalang shabu kapalit ang 10,000 pesos.
Nakuha rin sa loob ng sling bag ng suspek ang tatlo pang sachet ng hinihinalang shabu, maliit na weighing scale at aluminum foil.
Inamin umano ng pinaghihinalaan na sa kanya ang mga nakuhang kontrabado.
Sasampahan siya sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PMaj. Agpalza, isang linggong minanmanan ang pinaghihinalaan na laging kinukuha ng mga barangay sa Saguday upang magturo ng mga street dance.
Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung saan kumukuha ng suplay ang pinaghihinalaan at inaasahan nilang marami ang isisiwalat nito dahil malawak ang kanyang area of operation.