CAUAYAN CITY – Pabor ang dating Comelec Commisioner sa isinusulong na Hybrid Election ngunit hindi sa 2025 election kundi sa mga susunod na halalan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Armando Velasco, dating Commissioner ng Comelec sinabi niya na mas pabor siya sa mas mabagal na bilangan o paggamit ng hybrid method sa halalan dahil mas transparent ito at nakikita ng taumbayan kaysa sa automated na mabilis ngunit maaring namanipula na ang bilang sa makina.
Aniya mabagal man ang manual counting ng boto ay mas nakatitiyak naman ang mga botante na makikita ang pagbibilang ng kanilang boto.
Ang hybrid election system ay ang manual counting ng boto at electronic transmission ng resulta na una nang ipinanukala ng election watchdog na Kontra Daya.
Ayon kay Atty. Velasco, kung masasagasaan man ang Republic Act 9369 or the Poll Automation Law sa pagpapatupad nito ay maari namang gumawa ng ammendment sa batas.
Inamin naman nito na huli na ang paggawa ng ammendment ngayon dahil nakapag-umpisa na ang Comelec sa paghahanda sa 2025 election kaya maaring sa mga susunod na halalan na lamang ipatupad ang hybrid election.