--Ads--

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakabalik na sa Pilipinas si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan mula sa Taipei, Taiwan.

Sa isang pahayag, sinabi ng BI na dumating si Bonoan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Linggo, Enero 18, sakay ng isang eroplano ng China Airlines mula sa nasabing bansa.

Ayon pa sa BI, walang kasamang iba ang dating kalihim nang siya’y dumating sa bansa. Agad din umanong ipinaalam ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado sa Department of Justice (DOJ) ang pagbabalik ni Bonoan kaugnay ng patuloy na pagtalakay at mga hakbang sa mga isyung may kinalaman sa umano’y mga anomalya sa flood control projects.

Matatandaang inilagay si Bonoan sa BI Lookout Bulletin Order alinsunod sa direktiba ng DOJ dahil sa mga alegasyong kinasasangkutan ng mga iregularidad sa naturang mga proyekto.

--Ads--

Samantala, inaasahan naman ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na ang pagbabalik ni Bonoan ay makakatulong sa kanilang patuloy na imbestigasyon. Nauna nang inirekomenda ng komisyon ang paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa dating kalihim kaugnay ng umano’y P95 milyong halaga ng flood control projects sa Bocaue, Bulacan.