--Ads--

CAUAYAN CITY– Nadismaya ang dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines o IBP sa naging pinal na desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng kontrobersiyal na Anti-Terror Law.

Ibinasura ang mga ‘motion for reconsideration’ na inihain ng tatlumpot pitong grupo laban sa batas.

Pinanatili ng mga mahistrado ang kanilang boto sa kanilang desisyon noong ikapito ng Disyembre 2021, na pinonente ni dating Associate Justice Rosmari Carandang.

Sa botong 12-3 noong Disyembre, dalawang probisyon ang tinanggal dahil sa pagiging ‘unconstitutional’.

--Ads--

Kabilang dito ang depinisyon ng terorismo sa section 4 dahilan para matanggal ang pagsasagawa ng mga adbokasiya, protesta at iba pang katulad na gawaing sibil at politikal sa ‘act of terrorism’ hanggang walang intensyon na magdulot ng pagpaslang o panganib sa buhay ng isang tao at kapayapaan.

Sa botong 9-6 ay pinawalang-bisa ang ‘method for designation’ sa section 25 na nagbibigay sa Anti-Terrorism Council na mag-adopt ng “request for designations by other jurisdictions or supra-national jurisdictions” kung susunod sa criteria na itinakda ng resolusyon ng United Nations Security Council.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa, dating pangulo ng IBP na may mga minor points na nanalo ang mga petitioner ngunit ang mga mas mahalaga tulad ng check at balances na nakalagay sa saligang batas at judicial power at protection sa civil at political rights ay hindi napangalagaan sa desisyon ng Korte Suprema.

Ayon kay Atty. Cayosa, maraming malinaw na probisyon ng saligang batas ang nalabag ng batas na ito ngunit pinaboran ng Korte Suprema.

Ito aniya ay sumasalamin sa mga mahistrado ng Korte Suprema na sa halip na pangalagaan ang judicial independence at judicial executive powers ay yumuko sa political exigency at sa tingin ng pamahalaan na puwedeng maging shortcut.

Kabilang dito ang nakasaad sa saligang batas na ang korte lamang ang dapat tumukoy kung puwedeng arestuhin o hindi ang isang individual ngunit sa Anti-Terror Act ay pinayagan ang Anti-Terorrism Council na puwedeng magpasya kung sino ang dapat maaresto at makulong…. Nabalewala rin ang right to bail sa isang probisyon.

Ayon kay Atty. Cayosa, humina rin ang mga safeguards laban sa unreasonable arrest at paggamit ng police power para iharass ang isang individual.

Iginiit niya na hindi dapat ginagamit ang argumento na wala namang abuso sa ngayon dahil may abuso o wala ay dapat intact ang constitutional principle at jurisprudence.

Binigyang-diin ni Atty. Cayosa na hindi dapat sabihin na insufficient in substance dahil noong una pa ay dapat ibinasura na.

Nakita aniya na may punto ang mga petitioner at kinunsidera ang mga paninindigan ngunit hindi pinaboran ang mga mas malaking puntos.

Bahagi ng pahayag ni Atty. Domingo Cayosa, dating pangulo ng IBP