--Ads--

CAUAYAN CITY – Itinuturing ni dating Governor Grace Padaca na isang positive development ang pag-absuwelto sa kanya ng Sandiganbayan 3rd Division sa isa sa dalawang kaso na isinampa ng Tanggapan ng Ombudsman.

Inabsuwelto ng Sandiganbayan ang dating Lady Governor sa kasong graft ngunit nanatili ang kasong Malversation of Public Funds kaya nagharap siya ng apela sa Korte Suprema.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay dating Governor Padaca, inamin niya na noong nagharap sila ng motion for reconsideration sa desisyon ng anti-graft court na inilabas noong November 2019 sa kasong graft at malversation ay hindi nila inasahan na babaliktarin ang hatol sa kanya na pagkabilanggo.

Ayon pa kay Padaca, matapos nilang matanggap ang pinakahuling resolusyon ng Sandiganbayan noong Hulyo 23, 2020 ay agad silang naghain ng notice of appeal sa Korte Suprema para sa kasong malversation.

--Ads--

Tiwala ang dating lady governor na pakikinggan ang kanilang argumento at paninindigan na wala siyang ninakaw na pera ng pamahalaan kundi ang inilabas na 25 million pesos na pondo noong panahon ng kanyang panunungkulan ay ipinautang para matulungan ang mga magsasaka sa Isabela.

Ang pahayag ni dating Gov. Grace Padaca

Magugunitang isinampa noong 2011 ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang kasong graft at malversation of public funds kaugnay ng paggawad ng 25-million contract sa hybrid rice program sa Non-government organization (NGO) na Economic Development for Western Isabela and Northern Luzon Foundation Incorporated (EDWINLFI) noong 2006.

Matatandang noong November 15, 2019 ay hinatulan ng Sandiganbayan si Padaca ng hanggang 14 na taon na pagkakakulong sa kasong graft at hanggang 10 taon para sa malversation.

Pinayagan si Padaca na doblehin ang bail bond na P70,000 para sa kaniyang provisional liberty habang iniaapela ang kaso.

Naghain ng mosyon sa Sandiganbayan si Padaca noong December 2, 2019 at sa inilabas na desisyon ay inabsuwelto siya sa kasong graft.

Ibinalik din ang kanyang inilagak na piyansa para sa nasabing kaso at inalis na ang hold departure order laban sa kanya.

Ang pahayag ni dating Gov. Grace Padaca.

Ang resolusyon na inilabas noong nakaraang taon at ang ipinalabas na resolution noong July 23, 2020 ay isinulat ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na nilagdaan din nina Associate Justices Bernelito Fernandez at Ronald Moreno.