--Ads--

Ikinatuwa ng dating mambabatas ang naging desisyon ng Korte Suprema na ipawalang-bisa ang paglilipat ng pondo mula sa PhilHealth patungo sa iba’t ibang pondo ng mga kongresista at senador, at iutos na ibalik ang ₱60 bilyon halaga na nawala sa ahensya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Neri Colmenares, ang Chairperson ng BAYAN MUNA, sinabi nito na bago pa man inihain ng kanilang grupo ang petisyon, napilitan na ang PhilHealth na baguhin ang ilang benepisyo para sa mga miyembro ngayong taon.

Aniya, maituturing na tagumpay ang kanilang paghahain ng petisyon dahil nagbago na ang patakaran ng PhilHealth, at lalo pa itong naging malaking panalo nang pumanig ang Korte Suprema sa kanilang apela upang hindi na maulit ang maling paggamit ng pondo.

Ayon kay Colmenares, Kongreso at Malacañang ang kinasuhan dahil sila umano ang nag-apruba ng paglilipat ng pondo. Umaasa siyang hindi na mauulit ang ganitong pangyayari lalo na at pondo para sa kalusugan ang naapektuhan at napunta sa mga walang kwentang proyekto.

--Ads--

Ipinaliwanag din niya na nilabag ang syntax law, na nagsasaad na ang buwis mula sa sigarilyo at alak ay dapat mapunta sa PhilHealth. Sa halip na magamit para sa serbisyong pangkalusugan, inilipat umano ang pera sa iba’t ibang proyekto sa unprogrammed appropriations.

Dagdag pa niya, lumobo ang pondo para sa pork barrel at unprogrammed appropriations mula ₱281 bilyon tungo sa ₱749 bilyon, dahilan upang madagdagan ng mahigit ₱400 bilyon para sa mga proyektong hindi nakadetalye.

Isa rin aniya sa malalaking isyung tinalakay ng Korte Suprema ay ang paglabag sa karapatang pangkalusugan ng publiko.

Tiniyak ni Colmenares na kanilang babantayan ang proseso ng budget upang maiwasang maulit ang insidente, lalo na sa panahon ng deliberasyon.

Hiniling din niya na magtakda ang Korte Suprema ng patakaran upang matiyak na mula ngayon ay walang “secret BICAM” at maging bukas sa publiko ang proseso, nang hindi na mahirapang matunton ang umano’y nawawalang pondo.