Binaril at napatay ang dating mayor ng Lagayan, Abra,na si Jendricks Seares Luna, sa harap ng kanyang tahanan sa Barangay Dangdangla, Bangued, Abra, nitong Martes ng umaga.
Ayon sa ulat ng pulisya, si Luna, 54, ay nakaupo sa isang kubo sa harap ng kanyang bahay nang dumating ang apat na hindi pa nakikilalang mga salarin na sakay ng dalawang motorsiklo. Walang babala, agad silang nagpaputok ng baril bago tumakas sa hindi matukoy na direksyon.
Agad na isinugod ng kanyang pamilya si Luna sa Seares Memorial Hospital, ngunit idineklara siyang patay pagdating doon. Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa pamamaril, inilunsad na din ng PNP ang manhunt operation upang mahuli ang mga suspect.
Si Luna, anak ni dating kongresista Cecilia Luna, ay dating nagsilbi bilang mayor ng Lagayan at tumakbo para sa isang posisyon sa Sangguniang Panlalawigan noong nakaraang halalan ngunit hindi pinalad.
Bilang tugon sa insidente, pinaigting ng Philippine National Police ang seguridad sa lalawigan, muling pinagana ang Task Force Abra bago ang midterm elections ngayong 2025 upang maiwasan ang karahasan.











