--Ads--

CAUAYAN CITY – Masayang bagong taon ang sumalubong sa isang miyembro ng Communist Terrorist Group sa kanyang pagsuko sa pamahalaan noong ikatatlumput isa ng Disyembre 2021 sa 17th Infantry Battalion Headquarters, Banggag, Lal-lo, Cagayan.

Ang sumukong rebelde AY si alyas Frank, dalawampu’t limang taong gulang, at dating S4 ng West Front Committee, Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Ayon kay alyas Frank, labintatlong taon gulang pa lamang siya nang ginawa siyang utusan ng mga miyembro ng CTG sa iba’t-ibang barangay ng Baggao, Cagayan sa tuwing may isinasagawang pagpupulong sa nasabing bayan.

2018 nang pwersahan siyang pinasampa bilang armadong miyembro at dinala siya nina alyas Simoy at ng iba pa niyang mga kasamahan sa Dummitton, Barangay Malayugan, Flora, Apayao.

--Ads--

Aniya, labis-labis ang paghihirap na kanyang naranasan sa loob ng kilusan lalo pa at tuluyan nang humina ngayon ang kanilang pwersa.

Malaki ang kanyang pasasalamat sa Community Support Program (CSP) ng pamahalaan na nagpaabot sa kanya ng mga serbisyo at programa para sa kanyang pagbabagong buhay.

Naging emosyonal ang pagkikita ni alyas Frank at ng kanyang kapatid dahil sa hindi inaasahang pagdalaw nito sa kanya.

Laking tuwa at pasasalamat ng kanyang kapatid dahil makakasama na nila si alyas Frank matapos ang tatlong taong walang komunikasyon at hindi pagkikita. Isa ito sa napakagandang regalo para sa kanya ang makita ang kapatid lalo pa’t bagong taon.

Inihayag naman ni LtCol Angelo Saguiguit, Battalion Commander ng 17th Infantry Battalion ang kanyang pasasalamat sa ginawang pagsuko ni alyas Frank.

Aniya, hudyat ito ng maayos at masaganang pagsalubong sa bagong taon dahil sa kanyang magandang desisyon.