Matapos ang mahabang panahon ng pagtatago, isang lalaking matagal nang itinuturing na pambansang wanted ang naaresto ng mga awtoridad sa Baguio City noong Oktubre 30, 2025.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Mio,” residente ng Sitio Comyass, Barangay Dao-Angan, Pinukpuk, Kalinga.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), isinagawa ang manhunt operation bandang sa Purok 2, Barangay Zamora, Baguio City sa pangunguna ng CIDG Baguio City Field Unit, katuwang ang mga territorial police unit. Nagresulta ito sa matagumpay na pagkakahuli kay Mio.
Si Mio ay nahaharap sa labing limang kaso ng pagpatay na may labing limang warrant of arrest mula sa Regional Trial Court ng Tabuk.
Batay sa ulat na isinumite kay Acting Director PMGEN Robert A. A. Morico II, si Mio ay kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) at dating First Deputy Secretary at Head of Education ng KLG Baggas, isang grupong aktibo sa Cordillera. Nabanggit din ang kanyang pangalan sa Second Quarter 2025 Status Report on Threat Groups.
Isa sa mga mabibigat na kaso laban kay Mio ay ang ambush noong Enero 26, 2016 sa Sitio Bulo, Barangay Balantoy, Balbalan, kung saan sinalakay ng kanyang grupo ang mga sundalo gamit ang high-powered firearms at improvised explosives.











