
CAUAYAN CITY – Dumadaan sa due process ang sino mang mapapatawan ng extradition o huhulihin ng interpol.
Ito ang tiniyak ni Atty. Domingo Cayosa, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) National Chapter kasunod ng inilabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na wanted si Pastor Apollo Quiboloy dahil sa kasong sex trafficing sa Estados Unidos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Cayosa na kung nasampahan na si Quiboloy ng criminal case sa Estados Unidos at ito ay federal offense ay kikilos ang FBI para arestuhin siya kaya mas maganda kung sagutin niya ang kaso at magpiyansa kung mayroon mang inirekomenda.
Aniya, iba ang batas ng Pilipinas sa ibang bansa lalo na sa Estados Unidos kaya dapat lamang siyang magdoble-ingat.
Sa ngayon dahil sa interpol ay puwede na siyang arestuhin ng ano mang bansa kapag lumabas ng Pilipinas at maging ang Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Atty. Cayosa, malaking kahihiyan sa Pilipinas kapag may mga kaso si Quiboloy sa bansa na natutulog at mas mabilis pang gumalaw ang mga kaso nito sa ibang bansa.
Dahil dito, dapat aniyang makipagtulungan ang Pilipinas dahil kung hindi ay malaki itong black mark at lalo lamang mangandarapa ang bansa.
Ang Estados Unidos aniya ang biggest ally ng Pilipinas at sa bansang ito galing ang military at economic aid ng bansa.
Tiniyak niya na sakali mang maextradite o hulihin ng interpol ang tinaguriang Appointed Son of God ay hindi naman siya agad bibitayin dahil dadaan ito sa due process.
Isang leksyon lamang aniya kung nakakalusot man sa hustisya sa Pilipinas ay mag-ingat dahil mayroon ng international law sa ngayon.
Bukod dito ay mayroon na ring crimes against humanity at may international conventions na pinirmahan ang Pilipinas.










