Opisyal na humiling ang dating Pangulong Rodrigo Duterte na i-waive ang kanyang karapatan na dumalo sa nakatakdang annual hearing tungkol sa kanyang pre-trial detention, ayon sa legal na abiso mula sa kanyang defense team.
Ang hearing ay naka-schedule sa Pebrero 27, 2026, alas-2 ng hapon, bilang bahagi ng procedural requirement sa ilalim ng Rule 118(3) ng Rules of Procedure and Evidence, na nag-uutos na ang Pre-Trial Chamber ay dapat suriin ang status ng detensyon ng isang suspek isang beses kada taon.
Ayon kay abogado Nicholas Kaufman, habang obligado ang korte na isagawa ang hearing, “hindi ipinag-uutos ng batas ang pagdalo ng suspek.” Sinabi rin na lubos na ipinaliwanag kay Duterte ang legal na kahihinatnan ng kanyang hindi pagdalo bago niya piliing i-representa ang sarili sa pamamagitan ng kanyang mga abogado.
Nakahanda na ang waiver na may original na pirma ni Duterte, at isasama ito bilang public annex sa abiso. Sa ilalim ng waiver, magpapatuloy ang hearing ngayong Biyernes sa pamamagitan ng kanyang counsel na siyang sasagot sa usapin ng pagpapatuloy ng pre-trial detention.
Si Duterte ay inaresto noong Marso 11, 2025 pagdating mula Hong Kong, bilang bahagi ng imbestigasyon ng ICC sa umano’y “war on drugs” sa kanyang administrasyon, na sinasabing nagresulta sa paglikha, pagpopondo, at pag-arm ng death squads na pumatay sa umano’y drug users at dealers.
Bagama’t nagpakita siya sa video link sa mga hukom ng ICC noong Marso 14, 2025, ang confirmation of charges hearing niya na orihinal na itinakda noong Setyembre 23 ay na-postpone sa hiling ng kanyang defense team. Ang hiling ng defense para sa interim release ni Duterte ay tinanggihan ng Pre-Trial Chamber.










