CAUAYAN CITY – Nagkaroon ng maraming pagkakataon si dating Governor Grace Padaca na makadaupang palad sa mga okasyon si dating Pangulong Fidel Ramos.
Ang dating Pangulo ay yumao, kahapon July 31, 2022 sa edad na 94 dahil sa komplikasyon ng COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni dating Gov. Padaca na noong nanunungkulan siya bilang punong lalawigan ng Isabela ay may mga pagkakataon na nagkikita sila sa US Embassy kung ipinagdiriwang ang Philippine American Friendship Day at sa ilang conference sa environment na kanyang dinaluhan.
Nagkita rin sila sa isang official trip sa Canada dahil dumalo rin ang dating Pangulo.
Ayon kay dating Gov. Padaca, ang pinaka-memorable ay nang dumalo si FVR sa inagurasyon ng mahababng tulay sa pagitan ng Cabatuan at Aurora, Isabela.
Inabangan niya ang paglakad ni Ramos sa tulay at natuwa siya nang masulyapan dahil sariwa pa ang kanyang pagiging bayani sa 1986 Edsa People Power Revolution.
Isa siya sa mga nagrelde sa Marcos leadership noon para maibalik ang demokrasya sa bansa kahit pinsan niya si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Bago si dating Pangulong Noynoy Aquino ay si Ramos ang naalala niyang the best president ng bansa dahil naging organisado at goal oriented sa kanyang pamamahala.
Inilarawan ng dating lady governor na makulit at sutil si dating Pangulong Ramos.
Siya ay funny dahil nagpapatawa kahit pormal ang okasyon.
Kung may mga dinadaluhang conference sa bansa at sa abroad ay dinudumog siya ng mga tao na nagpapakuha ng larawan sa kanya at sinasabi sa mga tao na mag-thumbs up.
Kung nahihiya ang tao na magpakuha ng larawan ay tinatawag niya at sabihin na halika magpicture tayo.
Ang focus niya noon ay makuha ang kooperasyon ng lahat sa kanyang pamumuno.
Ipinatupad niya ang Completed Staff Work (CSW) dahil bago mapunta sa kanyang mesa ang dokumento, lahat ng mga dapat niyang tanungin at malaman bago gumawa ng desisyon ay nakumpleto na ito ng kanyang staff.
Paulit-ulit niyang sinasabi ang analogy niya sa isang bibingka na kapag nagluto dapat may apoy sa taas at baba para maganda ang pagkakaluto.
Inihahambing niya ito sa mga lider ng bansa na nasa ibabaw para pagbutihin ang kanilang trabaho at ang mga mamamayan na nasa baba ay dapat din nilang gawin ang kanilang parte.
Ayon kay dating Gov. Padaca, ang legacy ni dating Pangulong Ramos ay ang malakas at mahusay na pamamahala o good governance at ang kanyang vision na hindi naituloy ng mga sumunod na sa kanya na pangulo ng bansa.