--Ads--

Isa na ngayong kakaibang underground boutique hotel ang The Netty, na matatagpuan sa gitna ng St. Giles Road sa Oxford. Kilala ito ngayon bilang isa sa mga pinakanatatanging matutuluyan sa lungsod, ngunit bago ito naging hotel, isa itong pampublikong palikuran na nag-operate nang higit 100 taon.

Itinayo noong 1895 sa ilalim ng pamumuno ni Queen Victoria, nagsilbi ang lugar bilang men’s public comfort room hanggang sa tuluyang isinara noong 2008 dahil sa mga isyu sa kaligtasan.

Matapos ang 11 taong pagkatiwangwang, muling binuhay ang estruktura at ginawang isang boutique hotel na nagbibigay ng kakaibang karanasan sa mga bisita. Ngayon, ang The Netty ay may dalawang unit lamang, na inuupahan sa halagang £170 (tinatayang ₱13,380) bawat gabi.

Bagama’t walang reception, restaurant, o room service, may access ang mga bisita sa isang help line para sa anumang pangangailangan, at binibigyan din sila ng complimentary cocktail sa pagdating.

--Ads--

Dinadayo ang hotel ng mga turistang naghahanap ng natatanging experiences, at sa kabila ng limitadong pasilidad, umaangat ito dahil sa makasaysayang pinagmulan at kakaibang konsepto.