CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang dating pulis dahil sa pagtutulak ng iligal na droga at pag-iingat ng hindi rehistradong baril sa District 1, Cauayan, City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt.Col. Ernesto Nebalasca Jr., hepe ng Cauayan City Police Station na ang pinaghihinalaan ay 34-anyos, dating pulis sa Metro Manila, at residente ng District 1, Cauayan, City.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang .65 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P10,000 at isang caliber 22 na revolver na baril.
Aniya, noong pasko pa minamanmanan ng mga pulis ang pinaghihinalaan na ikinukusidera bilang high value target dahil isa siyang dating pulis at sa dami rin ng nakuha sa kanyang iligal na droga.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa National Capital Region kung ano ang dahilan ng pagkakadismiss ng pinaghihinalaan bilang isang pulis.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Tiniyak ni PLt.Col. Nebalasca na hindi titigil ang kapulisan sa lunsod para masawata ang mga nasasangkot sa iligal na droga.
Nanawagan din siya sa mga mamamayan na makipagtulungan sa kapulisan para mapanatiling tahimik at payapa ang Cauayan City.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan naman ng Bombo Radyo Cauayan sa pinaghihinalaan, itinanggi nitong pagmamay-ari niya ang nakuhang iligal na droga at baril.
Nagulat naman ang kanyang mga magulang dahil wala umanong pera ang kanyang anak at hindi rin umano nagtutulak ng iligal na droga.
Wala rin umano siyang baril dahil iniwan niya ito sa Manila.











