CAUAYAN CITY- Itinanggi ng dating Punong Barangay ng San Carlos Echague Isabela na sinulsulan nito ang isang lalaki upang magsampa ng kaso matapos suntukin ng kanilang punong barangay.
Una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan ang panununtok umano ni Punong Barangay June Mainit sa isang lalaking residente ng Santiago City.
Ayon kay Punong Barangay Mainit, dinuro-duro umano ito ng isa sa mga kamag-anak ng nagreklamo kung kayat nasuntok niya ito sa tagiliran.
Nagkasundo naman aniya noon ang magkabilang panig subalit may pansususol umano para ituloy nito ang kasong administratibo laban sa kaniya.
Ayon naman kay Liga ng mga Barangay Vice President Dante Halaman sinabi niya na tila nahaluan ng pamumulitika ang naturang pangyayari dahil ang mga taong nasa likod sa pagtulong sa mga nagrereklamo ay ang natalong punong barangay ng San Carlos.
Sa katunayan aniya hindi ito ang unang beses na magkaroon ng hidwaan sa Barangay San Carlos dahil sa pulitika na makailang ulit na rin nilang sinubukang ayusin subalit hindi anya nakikipagtulungan ang natalong punong barangay
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay dating Punong Barangay Victoria Saclayan ng Barangay San Carlos Echague Isabela, sinabi niya hindi siya ang kumausap sa mga nagrereklamo kundi sila umano ang kusang lumapit sa kanya upang humingi ng payo.
Nilinaw din niya na walang halong pulitika ang pagtulong nito sa mga nagrereklamo.
Aniya, hindi siya ang nagudyok para magsampa ng kaso kundi kung ano man ang pasya nila ay yun ang masusunod.
Depensa pa nito na walang katotohanan na hindi siya nakikipagtulungan para maayos ang problema sa barangay bagkus aniya na siya ang gumawa ang paraan para makapagharap ang dalawang panig.
Nanindigan naman si Saclayan na para sa kanya ay hindi kasalanan na tumulong sa kapwa.