CAUAYAN CITY – Patay ang isang dating seaman matapos na malunod sa Magat River sa Culling East, Cabatuan, Isabela.
Ang biktima ay si Gian Andres, 27 anyos at residente ng Sampaloc Cabatuan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Richard Babaran, hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi niya na nagkayayaan ang biktima at apat na kasama na magtungo sa ilog upang mag-inuman subalit matapos umanong makainom ng ilang bote ng alak ay nagpasya si Andres at mga kasama na kumuha ng tulya.
Mtapos na makakuha ng tulya ay nagpaalam si Andres sa mga kasama na mauna nang umahon subalit lingid sa kanilang kaalaman ay lumangoy siya patungo sa ibang bahagi ng ilog.
Nang umahon ang mga kasama ni Andres ay hindi na siya nakita kaya ipinabatid nila ang pangyayari sa himpilan ng pulisya.
Sa pagtugon ng mga kasapi ng Cabatuan Police Station at rescue team ay natagpuan ang katawan ng biktima na dinala sa Cabatuan Family clinic subalit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Hinihinalang dahil sa kalasingan ng biktima ay hindi natantiya ang paglangoy nito sa ilog na naging sanhi ng kaniyang pagkalunod.