--Ads--

Posible umanong mag-Pasko sa kulungan si dating senador Ramon Bong Revilla Jr. dahil sa napipintong pag-aresto sa kanya sa susunod na linggo.

Ito ang inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla bilang tugon sa rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure na magsagawa ng case build-up sa dating mambabatas kaugnay ng flood control mess.

Sinabi ni Remulla na may sapat na ebidensyang nag-uugnay kay Revilla matapos siyang iugnay nina dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo at Bulacan District Engineer Henry Alcantara sa flood control scandal.

Posible, baka next week. Siya ang low-hanging fruit at matagal na itong lumabas at iniimbestigahan, ayon kay Remulla sa panayam sa ANC.

--Ads--

Aniya, pinag-aaralan ng Office of the Ombudsman ang posibleng pagsasampa ng kasong malversation at plunder laban kay Revilla ngunit hindi pa tiyak kung nasaang yugto na ang preliminary investigation.

Magugunitang sinabi ni Bernardo na naghatid siya ng P125 milyon sa bahay ni Revilla noong Disyembre 2024 at iniutos pa umano ang paghahatid ng karagdagang P250 milyon bago magsimula ang campaign period para sa eleksyon 2025, bagay na itinanggi naman ni Revilla.