--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagluluksa ang mga Isabelenio sa pagpanaw ni Environmentalist at dating DENR Secretary Heherson Alvarez matapos ang ilang linggong pakikibaka sa Coronavirus Disease o COVID 19.

Matatandaang unang kinumpirma ng kanyang panganay na anak na si dating Santiago City Councilor Hexilon Alvarez na na-admit at na-intubate ang kanyang ama kasama ang kanilang ina na si Gng. Cecile Guidote Alvarez noong March 30, 2020 sa Manila Doctors Hospital matapos silang magpositibo sa COVID-19.

Hindi na naka-intubate si Gng. Alvarez ngunit nanatiling nasa critical na kondisyon si dating Senador Alvarez sa Intensive Care Unit (ICU) ng ospital bago siya pumanaw.

Sinabi kamakailan ni Ginoong Hexilon Alvarez na pinayuhan sila ng doktor na isailalim sa plasma theraphy ang ama para sa tiyansang paggaling mula sa COVID 19.

--Ads--

Ang pagyao ni dating Senador Alvarez ay kinumpirma ng malapit sa kanya na si Isabela Provincial Tourism Officer Troy Alexander Miano na dati niyang staff sa Senado at sa DENR.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Miano na hindi matatawaran ang naging ambag ng dating Senador sa pangangalaga at adbokasya sa kalikasan na pakikinabangan ng susunod na henerasyon.

Palagi aniyang iniimbitahan si Alvarez sa mga forum at conference sa iba’t ibang bansa tungkol sa pangangalaga sa kalikasan.

Ang tinig ni Provincial Tourism Officer Troy Alexander Miano

Si dating DENR Secretary Alvarez na sumakabilang buhay sa edad na 81 ay nagtapos ng kursong Liberal arts sa University of the Philippines (UP) at kumuha ng master’s degree sa Economics and Public Administration sa Harvard University sa Estados Unidos.

Siya ay isinilang sa Santiago City noong October 16, 1939 at nahalal na kauna-unahang senador mula sa Isabela noong 1987.

Naging congressman din siya ng 4th District ng Isabela at naging Presidential Adviser on Global Warming and Climate Change at founder ng Earth Savers Movement Incorporated.

Bukod sa pagiging DENR Secretary ay naging Kalihim din si Alvarez ng Department of Agrariar Reform (DAR).

Nahalal siyang pinakabatang delegate sa Constitutional Convention noong 1971.

Nagself-exile siya sa U.S. noong 1980’s ngunit bumalik sa Pilipinas bago ang 1986 EDSA People Power Revolution .

Bumuhos sa social media ang pakikidalamhati ng mga mamamayan sa Isabela sa pagyao ni dating Senador Alvarez.