--Ads--

CAUAYAN CITY – Labis na nadismaya ang dating team leader ng Isabela Special Motorcycle Response and Action Team (ISMART) matapos na mahuli ang isang pulis na isa sa dati niyang tauhan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pcapt. Melchor Aggabao, dating team leader ng ISMART at kasalukuyang hepe ng Luna Police Station, sinabi niya na labis siyang nadismaya nang mabalitaan ang pagkakahuli ni P/Sr. Master Sgt. Fidel Rey Dugayon dahil sa pagkakasangkot sa pangingikil.

Aniya, bilang dati nilang team leader ay hindi siya natuwa lalo na at hindi naman siya nagkulang na sila ay paalalahanan noon.

Ayon kay Pcapt. Aggabao, noong magkakasama pa lamang sila ay palagi namang namomonitor ang kanyang mga tauhan at lagi ring napapaalalahanan kung hanggang saan ang kanilang limitasyon sa daan gayundin ang kung ano ang dapat nilang gawin para mapabuti ang kanilang serbisyo.

--Ads--

Gayunman ay tumanggi muna siyang magbigay ng komento dahil hindi pa umano niya alam kung ano talaga ang tunay na pangyayari.

Inihayag naman ng opisyal na noong siya pa lamang ang team leader ng ISMART ay may usapan ang kanilang pamunuan at nang Land Transportation Office (LTO) na kung may maiimpound silang sasakyan at malayo ang field office ng LTO ay pipick upin ito ng LTO at kung hindi man nila makuha ay iiwan nila sa istasyon ng pulisya o kahit saanmang lugar na ito ay ligtas.

Tinig ni Pcapt. Melchor Aggabao.

Kung maaalala ay nahuli si P/Sr. Master Sgt. Fidel Rey Dugayon sa isang entrapment operation na ikinasa ng Composite team mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), Regional Integrity Monitoring Team (RIMET) at Regional Highway Patrol Unit 2.