Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na posibleng nakapagsamantala ng hanggang ₱20 bilyon mula sa mga maanomalyang flood control at iba pang proyektong pang-imprastruktura si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary for planning Maria Catalina Cabral sa halos isang dekada niyang panunungkulan sa ahensya.
Sa isang press briefing, sinabi ni Remulla na mahalaga ang papel ni Cabral sa pag-apruba ng mga proyekto sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), dahilan upang maituring siyang sentral na tauhan sa umano’y flood control scam.
Kung matatandaan na hindi na haharap sa paglilitis si Cabral matapos siyang mamatay noong Disyembre 18 nang mahulog sa bangin sa Tuba, Benguet, na unang tinukoy ng pulisya bilang kaso ng pagpapakamatay.
Binanggit ni Remulla na natagpuan ang sapatos ni Cabral sa hiwalay na lugar, indikasyong sinadya niyang alisin ito bago tumalon. Nakakita rin ang pulisya ng kutsilyo at mga gamot sa kanyang hotel room sa Baguio. Lumabas sa laboratoryo na may Citalopram, isang antidepressant, sa kanyang katawan.
Nilinis naman ang pangalan ng kanyang driver na si Ricardio Hernandez, bagama’t sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na maaari pa rin siyang isailalim sa polygraph test kung may pagdududa.
Sinisiyasat na ng Philippine National Police (PNP) at Office of the Ombudsman ang mga nakumpiskang computer at file ni Cabral, kabilang ang sampung taon ng mga kahilingan para sa NEP programming at tiniyak ni Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na daraan sa masusing forensic examination ang lahat ng ebidensya.
Kungmaaalala nagpasa ng joint resolution ang ilang mambabatas na pinangungunahan ni Akbayan Rep. Chel Diokno para sa isang komprehensibong imbestigasyon ng Kongreso kaugnay sa pagkamatay ni Cabral at sa kanyang umano’y papel sa flood control scam.
Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon sina Perci Cendaña, Dadah Ismula, Edgar Erice, Leila de Lima, Kaka Bag-ao, Krisel Lagman, Leandro Leviste, at Eli San Fernando.











