Idineklara ang Day of Mourning sa Azerbaijan dahil sa pagbagsak ng eroplano sa nasabing bansa.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Maria Elena Dacuan, bilang pakikidalamhati sa mga pamilya ng mga nasawing biktima ay inilagay na sa half-staff ang national flag ng Azerbaijan sa buong bansa.
Pinapatigil din ang trapiko sa tanghali at inabisuhan ang mga barko at tren na huwag munang gumamit ng kanilang mga malalakas na busina para sa observance of silence.
Inihayag ni Azerbaijani President Ilham Aliyev, na inaalam na ng mga otoridad ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano bagamat una nang inihayag ng mga eksperto na dahil sa panahon kaya napilitan ang eroplano na magbago ng direksyon.
Matatandaang patungo ang Azerbaijan Airlines’ Embraer 190 sa Russian city ng Grozny sa North Caucasus nang ito ay magdivert ng direksyon sa hindi pa malamang dahilan at planong lumapag sana sa Aktau, Kazakhstan matapos nitong dumaan sa Caspian Sea.
Nasawi ang 38 katao habang nasugatan naman ang dalawamput siyam sa pagbagsak ng eroplano.
May mga hinala namang pinabagsak ito ng Russian anti-aircraft system dahil sa mga nakitang butas sa eroplano na indikasyon ng pagtama ng shrapnel at debris bagamat hindi pa ito kinukumpirma.
Sinabi rin ng Flightradar24 na naexpose ang eroplano sa GPS jamming at spoofing malapit sa Grozny na nagdulot naman sa eroplano na hindi makapagnavigate at mawalan ng komunikasyon sa dispatcher ng Aktau airport.