
CAUAYAN CITY – Mariing pinabulaanan ng inirereklamong daycare teacher sa San Pedro, Alicia, Isabela ang mga akusasyon sa kanya kaugnay sa umano’y pagpapasingil nito ng limang libong piso mula sa mga benipisyaryo ng Emergency Shelter Assistance (ESA).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Teacher Nora Galistre, iginiit niya na wala siyang inutusan para maningil ng tig-limang libong piso sa mga benipisyaryo ng ESA dahil umasiste lamang umano sila sa naging pamamahagi ng naturang ayuda.

Marahil ay hindi alam ng mga taong nagrereklamo ang kanilang mga sinasabi dahil hindi rin niya kilala ang taong nagrereklamo laban sa kaniya.
Aniya, walang ibinabang kautusan ang pamahalaang lokal o kaya ay ang mga opisyal ng barangay para sa paninigil ng limang libong piso sa mga benipisyaryo.
Gayunman ay aminado siya na kamag-anak niya ang idinadawit na si Filipina Piga subalit hindi niya ito inutusan para maningil ng pera.
Ayon kay Teacher Galistre, handa niyang harapin ang anumang pagsisiyasat na isasagawa ng pamahalaang lokal ng Alicia.
Hinamon naman niya ang nagrereklamo na magpakilala dahil hindi biro ang mga binitawan nitong paratang laban sa kaniya.
Matatandaaang idinulog ng isang concerned citizen sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang umano’y ginawang pagkaltas sa natanggap nilang ayuda mula sa ESA na para sa mga nasalanta ng bagyong Rosita.
Ayon sa ginang na mula sa naturang barangay, siningil sila ng tig-limang libong piso ng isang Filipina Piga na kaanak ni Galistre.
Ayon umano kay Piga inutusan siya ni Galistre para maningil ng tig-lilimang libong piso mula sa kanilang ayuda.
Batay sa paliwanag ni Piga ang masisingil na halaga ay ibibigay sa mga residenteng naapektuhan din ng bagyo subalit hindi nakatanggap ng ayuda.










