--Ads--

Iginiit ng prosekusyon at ng mga abogado ng mga biktima sa International Criminal Court (ICC) na lumikha si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng mga “mini-Dutertes” na naging marahas dahil sa takot at sa sistemang itinanim niya noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde at presidente.

Sa pagbubukas ng confirmation of charges hearing kahapon, inilahad ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang na pinalakas ni Duterte ang loob ng mga pulis at armadong tauhan ng tinaguriang Davao Death Squad (DDS) sa ilalim ng “cloud of fear” na kanyang nilikha bilang de facto authority.

Ayon sa prosekusyon, may istriktong hierarchy sa operasyon kung saan kinakailangan ang clearance mula sa itaas bago isagawa ang isang pagpatay. Binanggit din ang umano’y “cash per head” na insentibo at mabilis na promosyon para sa mga makakatupad sa target.

Nahaharap si Duterte sa dalawang bilang ng murder at isang bilang ng murder at attempted murder kaugnay ng pagkamatay ng 78 katao sa kampanya kontra droga, kabilang ang 19 sa Davao City (2013–2016), 14 high-value targets (2016–2017), at 45 katao sa barangay clearance operations (2016–2018), kung saan tatlong bata ang nasawi.

--Ads--

Iginiit naman ng abogado ng mga biktima na si Atty. Joel Butuyan na umaasa ang mga pamilya sa pag-usad ng kaso upang makamit ang hustisya, at tinawag itong simbolikong huling pag-asa ng mga biktima.

Mariin namang itinanggi ng lead defense counsel na si Nicholas Kaufman ang paratang at tinawag ang DDS bilang “fictitious construct.”

Ayon sa kanya, ito ay usapin ng batas at hindi politika. Inakusahan din ni Kaufman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng umano’y tangkang i-neutralize si Duterte, ngunit agad itong pinabulaanan ng Malacañang.

Ayon naman kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, naisampa ang kaso sa ICC noong 2017, panahong pribadong mamamayan pa si Marcos, at binanggit na tila nakalimot siya sa tamang timeline.

Binigyang-diin ng Palasyo na dapat maglatag ng malinaw na depensa ang kampo ni Duterte sa halip na magbintang.