--Ads--

Inihayag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang umano’y banta ng impeachment laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay pinaniniwalaang pinangungunahan ng mga miyembro ng Diehard Duterte Supporters (DDS).

Paliwanag ni Castro, batay sa mga ulat na lumabas, may isang mambabatas umanong nilapitan ng mga tagasuporta ng isang pulitiko upang itulak ang impeachment laban sa Pangulo.

Pinayuhan din ni Castro ang mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte na bago maghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos ay unahin muna nilang tulungan ang kanilang sinusuportahang lider.

Dagdag pa niya, ang impeachment ay hindi dapat gamitin bilang pang-media o panakot lamang, lalo’t mas mahalagang tugunan ang mga isyung kinahaharap ni VP Sara, kabilang ang alegasyon ng paglustay ng milyun-milyong confidential funds at umano’y pagtanggap ng malaking halaga ng pera mula sa mga drug lord.

--Ads--

Iginiit pa ni Castro na walang kinalaman ang Pangulo sa anumang anomalya tulad ng isyung “Mary Grace Piattos” at hindi siya nagnakaw ng pondo ng bayan. Sa halip, ayon sa kanya, si Pangulong Marcos pa mismo ang nag-utos ng imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng flood control projects.

Samantala, sinabi ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City 2nd District Representative Edgar Erice na may dalawang kongresista umanong inaasahang mag-eendorso ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos.

Ayon kay Erice, naisaayos na umano ang reklamo ng isang grupong sumusuporta kay VP Sara.

Gayunman, tumanggi si Erice na maging isa sa mga endorser ng reklamo. Aniya, nais niyang manatiling bukas ang isipan sa pagtalakay ng usapin sa Committee on Justice at ayaw niyang maiugnay sa Duterte Group, lalo’t isa siyang miyembro ng Liberal Party.

Binanggit din ni Erice na kabilang sa posibleng batayan ng impeachment complaint ang “betrayal of public trust” na may kaugnayan sa mga isyu sa 2023, 2024, at 2025 national budget.

Nilinaw naman ni Castro na handa si Pangulong Marcos na sagutin ang anumang paratang, kabilang ang alegasyon ng paglabag sa tiwala ng publiko kaugnay ng paglagda sa General Appropriations Act (GAA). Gayunpaman, wala pa umanong paghahanda ang Pangulo para sa impeachment dahil wala pa namang pormal na reklamong naihahain.