Umabot na sa 75 ang kumpirmadong bilang ng nasawi matapos ang pagtama ng magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu noong ika-30 ng Setyembre.
Aabot naman na sa 600 ang naitalang nasugatan.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) deputy administrator ASec. Bernardo Alejandro IV, susuriin din ng ahensiya kung may mga napaulat na binawian ng buhay mula sa magnitude 6.0 na aftershock bandang ala-1:06 ng madaling araw nitong Lunes, Oktubre 13.
Sa ngayon, umakyat na sa halos 11,000 ang aftershocks na naitala mula nang tumama ang magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City.
Batay sa pinakahuling datos ng NDRRMC, mahigit 3,500 indibidwal o mahigit 800 pamilya pa rin ang nananatili sa evacuation centers habang ang ilan naman ay nanunuluyan pansamantala sa ibang lugar.
Sa ngayon ay nakasailalim pa rin sa state of calamity ang buong lalawigan ng Cebu.






