CAUAYAN CITY- Natapos na ang isinagawang declogging sa mga kanal sa lungsod alinsunod sa Memorandum Order na inilabas ni Cauayan City Mayor Caesar Dy Jr. dahil sa naranasang pagbaha sa Cauayan City, Isabela
Nagsagawa rin ng clean up drive ang bawat barangay sa lunsod upang ma-solusyonan ang problema sa baha na nararanasan tuwing may malakas na pag-ulan.
Nakiisa din sa declogging ang Public Order and Safety Division (POSD) pangunahin na sa mga lugar na bahagi ng Barangay San Fermin, Cabaruan, District, at Alicaocao na labis na naapektuhan sa malakas na pag-ulan sa lungsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na lahat ng mga kanal sa Lungsod ng Cauayan ay hindi na barado at nalinisan na.
Sigurado aniya na makatutulong ito upang hindi na bahain ang ilang bahagi ng lungsod kapag nakaranas ng mga malalakas na pag-ulan.
Kung sakali man na magkaroon ng pagbaha ay hindi na ito tulad ng dati na umaabot ng ilang araw at linggo bago humupa.
Sa kaniyang pagtaya ay aabot na lamang umano ng tatlumpung minuto at huhupa na ang baha.