Inireklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) sina Michelle Dee, Rhian Ramos at Samantha Panlilio ng isang driver dahil umano sa pagkulong at pagbugbog sa kanya.
Sa reklamo ng nagpakilalang driver at personal assistant ni Rhian, pinagbintangan umano siya ng pagnanakaw ng ampao na naglalaman ng ilang sensitibong larawan.
Enero 17 pagkagaling umano nila ni Rhian sa taping, puwersahan siyang inakyat sa condo unit nina Rhian at Michelle, kung saan pinaaamin umano siya sa kinuhang ampao sa condo.
Kinulong umano siya ng tatlong araw sa condo habang paulit-ulit na sinasaktan ng dalawang bodyguard ni Michelle. Dagdag niya, kasama umano sa bumugbog sa kanya sina Michelle, Rhian at Samantha.
Enero 19 dinala umano siya nina Michelle sa police station at inireklamo ng qualified theft at doon umano ay nakaranas muli siya ng pananakit subalit dinismiss ng Makati Prosecutor’s Office ang reklamong inihain laban sa kanya.
Samantala, sa inilabas na pahayag ng kampo nina Michelle at Rhian, sinabi ni Atty. Maggie Abraham-Garduque na hindi pa natatanggap ng kanyang mga kliyente ang opisyal na reklamo mula sa NBI at mariing itinanggi ang alegasyon ng illegal detention.










