--Ads--

CAUAYAN CITY – Iginiit ni Defense Secretary Gilbert ‘Gibo’ Teodoro Jr. na nararapat na manindigan ang Pilipinas at huwag hayaan ang China na gumapang papalapit sa bansa.

Inihayag ito ni Kalihim Teodoro sa kanyang pagdalaw sa Enchanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa Camp Melchor Dela Cruz sa 5th Infantry Division Philippine Army sa Upi, Gamu, Isabela.

Ang Defense secretary ay sinalubong sa Cauayan City Airport nina Governor Rodito Albano at Vice GoveRnor Faustino ‘Bojie’ Dy III sa kanyang pagdating sa Isabela.

Layunin aniya ng paglalagay ng dagdag na EDCA sites sa bansa na mapatatag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagtugon sa kalamidad at pangangalaga sa interest ng bansa sa Exclusive Economic Zone (EEZ) sa West Philippine Sea.

--Ads--

Inamin ni Kalihim Teodoro na may mga propagandista sa isyu ng West Philippine Sea ngunit nanindigan siya na malinaw ang mandato ng DND na palakasin ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Bukas ang DND sa pakikipag-usap sa counterpart sa China ngunit iginiit na wala silang nalalaman sa sinasabing kasunduan ng Pilipinas at China na pag-alis sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal batay umano sa kasunduang nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.