CAUAYAN CITY – Pinuri ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pamunuan ng 5th Infantry Division Philippine Army dahil sa kabila ng kakulangan ng mga tauhan bunsod pagkamatay ng mga sundalo nito sa Sulu ay napapangalagaan pa rin nang maayos ang seguridad sa mga nasasakupang lugar.
Sa pagdiriwang ng ika-38th na anibersaryo ng pagkatatag ng 5th ID sa Camp Melchor dela Cruz sa Upi, Gamu, Isabela ay pangunahing panauhin si Kalihim Lorenzana.
Tampok na aktibidad sa pagdiriwang ng anibersaryo ang pagbibigay ng parangal sa mga sundalo na nakipaglaban sa mga nagdaang sagupaan sa mga rebelde at terorista gayundin ang mga nagbigay ng serbisyo sa mga nagdaang kalamidad sa region 2.
Kabilang sa din sa nga awardees ang mga kasapi ng Philippine NationalPolice (PNP), kawani ng pamahalaan at iba pang stakeholders.
Ayon kay Kalihim Lorenzana, nais niyang ibayo pang mapaganda ang serbisyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglipol sa mga rebelde at terorista.
Ito ay alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na matapos na ang suliranin sa terorismo dahil hadlang sila sa ganap na pag-unlad ng bansa.
Ito ay bunsod ng paghahasik nila ng mga karahasan tulad ng pananambang, pagsunog sa mga equipment ng mga construction company, paninira sa ari-arian at pangingikil sa mga mahihirap na Pilipino.
Ayon pa kay kalihim Lorenzana, patuloy silang nagsasagawa ng workshop upang talakayin ang mga naging hakbang ng pamahalaan mula noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos hanggang sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at napag-alaman nila na ang rason kung bakit hindi masugpu-sugpo ang mga terroristang grupo ay dahil sa kawalan ng pakialam ng mga lokal na opisyal.
Bilang resulta ng pag-aaral ay binuo ang Executive Order 70 na naglalayong tuldukan ang insurhensiya sa bansa.
Binuo ang Task Force na pinamumunuan ng Pangulo na siyang tututok sa terorismo sa nalalabing taon ng kanyang termino.
Nais din niyang maibalik ang tatlong battalion ng 5th ID na nasa Sulu kapag natapos na ang kaguluhan doon at kapag napunan ang kailangang tropa ng binuong 11th Infantry Division Philippine Army.