Umapela ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) para sa agarang at walang kondisyong paglaya ng dating pangulo.
Sa isang 21-pahinang dokumentong naka-upload sa ICC website at may petsang Nobyembre 14, hiniling nito sa ICC Appeals Chamber na baligtarin ang desisyong tinututulan nila at iginiit na wala itong legal na basehan para ituloy ang pagdinig laban sa dating presidente.
Giit pa ng defense team, nagkamali ang Pre-Trial Chamber 1 sa naging desisyon nito kaugnay ng pagkwestiyon sa hurisdiksyon ng korte.
Ayon sa defense team, sa pinagtatalunang desisyon ay kinilala mismo ng Pre-Trial Chamber na ang Article 12(2) ay nangangailangan na ang isang estado ay kasapi ng Statute sa panahon na isinasagawa ng Korte ang hurisdiksyon nito.
Subalit nanindigan pa rin ang Pre-Trial Chamber 1 na may hurisdiksyon ang ICC kahit na kumalas na ang Pilipinas.
Iginiit naman ng defense team na bumuo ang chamber ng isang bagong doktrina na nagpapalawak sa paggamit ng hurisdiksyon lampas sa petsa ng pag-epektibo ng pag-atras ng isang bansang kasapi.











