--Ads--

Humiling si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ng pahintulot kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magamit ang Senate Mansion sa Baguio City para sa nalalapit na 2026 Chief of Staff, Armed Forces of the Philippines (CSAFP) Cup, ngunit ipinabatid ng Senado na hindi maaaring payagan ang kahilingan dahil sa kasalukuyang pagkukumpuni ng mansyon.

Kinumpirma ni Sotto nitong Biyernes na natanggap niya ang liham mula kay Dela Rosa, na hindi pa nagpapakita sa Senado sa nakalipas na apat na buwan.

 Inilarawan ni Sotto ang liham bilang isang “privileged communication” at ipinasa ito sa Senate Secretariat para aksyonan.

Ayon kay Senate Secretary Mark Llandro “Dong” Mendoza, natanggap nila ang liham, ngunit kasalukuyang isinasagawa ang mga repair sa Senate Mansion. Aniya, ang patakaran ng Senado ay dapat na may kasamang senador ang pamilya kung gagamitin ang mansyon.

--Ads--

Sa liham na may petsang Marso 12, 2026, hiniling ni Dela Rosa na magamit ang Senate Mansion mula Marso 26 hanggang 29 para sa kanyang pamilya sa panahon ng CSAFP Cup.

Matatandaang hindi pa nagpakita sa publiko si Dela Rosa at hindi nakadalo sa anumang sesyon ng Senado mula noong Nobyembre 2025, kasunod ng alegasyon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may inilabas na warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs.

Inilahad din ng ICC Office of the Prosecutor si Dela Rosa bilang isa sa mga alegadong co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.

Bukod dito, may isinampa ring ethics complaint laban kay Dela Rosa dahil sa patuloy niyang pagliban sa Senado.