--Ads--

Nagkakaroon ng abala sa proseso ng pagbabayad ng kuryente sa ISELCO 1–Santiago Branch Office dahil sa mga online payment na walang kalakip na patunay ng transaksyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Branch Officer Noemi Valdez, ipinaliwanag niya na bagamat pinapayagan ang online payment, kinakailangan pa rin ang kumpletong detalye ng nagbabayad upang maayos na maitala ang kanilang bayad.

Dahil sa dumaraming bilang ng online transactions, nahihirapan ang mga cashier na matukoy kung kaninong account dapat i-credit ang bayad, lalo na kung walang reference number, pangalan, o screenshot ng resibo.

Ayon sa tanggapan, mahalagang magbigay ang mga consumer ng screenshot o kopya ng transaction slip bilang patunay ng kanilang bayad upang maiwasan ang pagkaantala sa pagproseso.

--Ads--

Sa kasalukuyan, pinapayuhan ang mga nagbabayad online na magtungo pa rin sa opisina kung walang naisumiteng patunay, upang maipakita ang kanilang resibo at ma-update ang status ng kanilang billing sa system ng ISELCO 1.

Babala ng tanggapan, kung walang maipakitang patunay ng bayad, posibleng hindi agad ma-post ang kanilang payment, na maaaring magdulot ng delay sa kanilang account at posibleng penalties kung hindi agad maresolba.