Isang delivery rider ang inaresto matapos umanong makabangga ng dalawang nakaparadang sasakyan at magwala sa loob ng himpilan ng pulisya nitong Pebrero 21.
Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, naganap ang insidente bandang alas-7:30 ng gabi sa kahabaan ng Dalupang Street, Barangay District 2. Naiulat ito sa pulisya makalipas ang halos isang oras.
Sa paunang imbestigasyon, nakaparada at walang sakay ang isang sedan at isang multi-purpose vehicle (MPV) sa magkahiwalay na lugar nang masagi ng isang motorsiklo na patungong timog ang una. Matapos nito, nagpatuloy umano ang motorsiklo ngunit muli itong nakabangga sa isa pang nakaparadang sasakyan. Dahil sa insidente, parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan. Tinataya pa ang halaga ng mga nasira.
Dinala sa himpilan ang rider para sa imbestigasyon. Ngunit habang kinakausap ng mga awtoridad, sinasabing patuloy itong nakipagtalo at hindi sumunod sa mga utos na kumalma at makipagtulungan.
Ayon sa pulisya, nakapagsalita pa umano ito ng hindi angkop na pananalita laban sa duty investigator. Isinailalim sa medical examination ang suspek sa isang ospital sa lungsod at lumabas sa pagsusuri ng attending physician na positibo ito sa pag-inom ng alak.
Nahaharap ngayon ang rider sa kasong damage to property at resistance and disobedience upon an agent of a person in authority.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente.











