

CAUAYAN CITY – Itinuturing ni Mayor Bernard Dy na nakakaalarma ang pagtaas ng mga kaso ng dengue fever sa Cauayan City sa gitna ng paghupa ng mga kaso ng COVID-19 pandemic.
Mayroon nang naitalang 48 na nagkasakit ng dengue sa Cauayan City at isa ang nasawi.
Sa buong Isabela ay 500 ang mga naitalang kaso ng Dengue.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Dy na kailangang maging alerto at mag-ingat ang mga mamamayan at labanan ang dengue sa pamamagitan ng paglilinis ng kapaligiran.
Natabunan lang aniya ang usapin ng dengue ng pandemya ngunit patuloy ang suliraning dulot ng mga pesteng lamok.
Ayon kay Mayor Dy, wala pa siyang ipinalabas na direktiba kaugnay ng kampanya kontra dengue dahil makikipagpulong pa lamang siya sa mga kaukulang departamento pangunahin sa mga pinuno ng City Health Office (CHO).




