CAUAYAN CITY- Lumobo ang kaso ng Dengue sa Lalawigan ng Isabela ngayong 2025.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marvin Valiente, Provincial Epidemiology and Surveillance Officer ng Provincial Health Officer ng Isabela, sinabi niya na simula Enero 2025 hanggang Febrero 21 ay nakapag-tala na sila ng 659 kaso ng Dengue.
Mas mataas ito ng 434 kung ikukumpara sa datos noong 2024 na mayroon lamang 225 cases sa kaparehong panahon.
Gayunpaman ay hindi pa rin naman ito matatawag na outbreak dahil hindi ito pasok sa panuntunan ng kagawaran ng kalusugan pagdating sa pagdedeklara ng Dengue Outbreak sa isang lugar.
Sa ngayon ay mayroon nang apat na indibidwal ang hinihinalang nasawi dahil sa Dengue na mula sa bayan ng Gamu, Cauayan City, San Isidro at Alicia.
Nilinaw naman niya na ang mga ito ay suspected deaths lamang dahil sila ay nakitaan ng sintomas ng Dengue ngunit hindi pa kumpirmado na ito ang ikinamatay nila dahil kinakailangan pang I-test ang kanilang dugo.
Ang pagtaas ng kaso ng Dengue ay may kinalaman sa maulang panahon na nararanasan sa lalawigan na nagiging sanhi ng pagdami ng mga lamok.
Patuloy naman aniya ang ginagawa nilang pakikipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs) maging sa mga Barangay hinggil sa pagdami ng kaso ng dengue sa lalawigan.
Mahigpit naman nilang tinututukan ang mga bayan na mayroong matataas na kaso gaya na lamang ng Echague, San Mariano, San Mateo, San Manuel, Ramon at Aurora na pawang nakakapagtala ng dalawa o mahigit pang kaso sa loob lamang ng dalawang Linggo.
Upang mapababa ang naitatalang kaso ng Dengue sa lalawigan ay nakikipag-tulungan sila sa mga Rural Health Units upang bigyan ng sapat na kaalaman ang publiko hinggil sa naturang sakit ang kahalagahan ng paglilinis ng kapaligiran para mapuksa ang pinamumugaran ng mga lamok.
Noong nakaraang linggo ay nag-request na rin sila ng karagdagang insecticides sa pamahalaang panlalawigan upang magtuloy-tuloy upang may magamit sa Fogging.
Nag-activate na rin aniya sila ng Dengue Fast Lane sa mga RHUs maging sa mga pampubliko at Pribadong Pagamutan upang mapriotitize ang mga pasyente na mayroong sintomas ng Dengue.