CAUAYAN CITY – Tumaas ng 164% ang kaso ng dengue sa region 2 kung ihahambing noong 2018.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Romeo Turingan ng Department of Health (DOH) region 2 na mula January 1 hanggang July 8, 2019 ay umabot na sa 6,309 ang dengue cases sa region 2 kumpara sa 2,328 dengue cases noong nakaraang taon.
Umabot na sa 24 ang namatay sanhi ng dengue kumpara sa 5 lamang noong 2018.
Ayon kay Dr. Turingan, tumaas ng kaso ng dengue sa 1st quarter ng 2019 ngunit bumaba ngayong ikalawang quarter.
Kabilang sa mga dahilan ng pagtaas ng dengues cases sa 2019 ay ang maraming container na pinamumugaran ng mga lamok at ang pagbaba ng mga komunidad na aktibo sa pagpapatupad mga hakbang para mapuksa ang mga lamok na carrier ng dengue.
Bukod dito, apat na strain ng dengue ay nasa region 2 kaya tumaas ang kaso ng dengue pangunahin sa Isabela at Cagayan.
Ayon kay Dr. Turingan, nagpamahagi sila ng mga insecticide na pang-spray sa mga barangay at paaralan para hindi na nila ito i-asa sa mga Municipal Health Office (MHO).
Nagtatag din sila ng mga Action Barangay Kontra Dengue para mapuksa ang mga lamok sa mga barangay na may mataas na kaso ng nasabing sakit.